Akala ko sa tuwing sinasambit ko ang mga salitang iyan
Ay hindi na muling tutulo ang luha
Akala ko kapag nasabi ko iyang mga katagang iyan
Magiging okay na rin talaga ang lahat.
Pero bakit ganon?
Bakit mas kumikirot ang sumasakit ang puso ko?
At alam ko na ang kasagutan ngayon
Marahil ay niloloko ko lang pala ang sarili ko.
Sanay na ako, oo, tama ang dinig niyo
Sanay na akong mag-isa at harapin ang mga problema ko
Kasi alam kong lahat ng tao ay may problema
Kaya dapat lang na hindi na ako mang-abala pa ng iba
Hindi ako yung tipong kinukwento ang sarili ko
At hindi rin ako yung taong iiyak sa harapan mo
Lagi kong kinakaya ang problema ko
Dahil sa mga katagang "okay lang ako".
Marahil para sa ibang tao
Panakip-butas lamang ang mga katagang iyan
Ngunit alam ko sa sarili kong
Ang mga iyan ay katapangan.
Oo, maaari ngang taliwas yan sa nararamdaman ko
Ngunit sa bawat panahong nasasambit ko ito
Nagiging matapang ako
Matapang upang maharap ko ang mga problema ko.
Pero nakakapagod din pala
Nakakapagod sabihin ang mga katagang iyan
Sinsambit ang mga pinakagasgas na salita
Laging paulit-ulit na para bang nasa isang sirang plaka.
Alam ko lahat ng tao ay nakarinig na ng mga katagang iyan
Ngunit alam kong hindi lahat alam kung ano ang ipinahihiwatig niyan
Akala ng iba, ang "okay lang ako" ay okay lang talaga
Akala nila, ang lahat ay makakaya kong mag-isa.
Pero hindi, mahirap ipaliwanag
Mahirap magpaliwanag ng mga emosyong naghalo-halo na
Mahirap lumagay sa isang sitwasyon na hindi mo alam kung kakayanin mo pa
Mahirap kung walang nakakaalam ng tunay mong nararamdaman.
Oo, lagi ko ngang sinasabi na "okay lang ako"
Pero hindi ko naman sinabing "ayos lang ako"
Maaaring pareho lang ang dalawang iyan sa iba
Ngunit sa akin, magkaiba ang mga katagang iyan.
Sana sa bawat pagsambit ko nito
May isang taong makaalam ng tunay na nadarama ko
Sana sa muling pagsambit ko ng mga katagang ito
Totoo na ang maging kahulugan nito.
Comments